Mainit ang Apoy
June 13, 2008
Just want to share this composition, –err, poem. I did this last night while we're on conference. It's in Filipino and I'm not planning to translate it in English, French, or Martian Jargon. I won't interpret it either, it's really up to you. Haha!
Ako Ang Mali sa Lahat ng Iyong Tama
Ako ang oras kapag ika'y nahihimbing
Ako ang dahon sa puno ng 'yong kabataan
Ako ang bakod na harang sa inyo ng 'yong irog
Ako ang tampulan ng masasamang nakaraan
Ako ang yelo sa kape mong kay init
Ako ang sampung piso sa butas mong bulsa
Ako ang sigaw ng mga nanloloko at nalulugmok
Ako ang ligaw na bala sa iyong katangahan
Ako ang nag-aabang sa may mga kapiling
Ako ang mga alaala ng nangatuyong mga parang
Ako ang lunas ng mga nagwawalang sabog
Ako ang ginto sa balong puno ng kahilingan
Ako ang gago–naghihintay sa madilim
Ako ang macheteng inukit ng kasaysayan
Ako ang bigas sa bagong sakal ay isinaboy
Ako ang kawalan, ang tala, at ang hangganan
Ako ang pintang pabaliktad kung isabit
Ako ang putol na kwerdas ng iyong gitara
Ako ang tagapamagitan sa lahat ng nagaamok
Ako ang suntok na sasapul sa 'yong kabanalan
Ako ang musika sa lahat ng di nakakarinig
Ako ang nagdarasal sa 'yong huling hantungan
Ako ang suotan mo ng iyong pagbabalat-kayo
Ako ang hula sa iyong masamang kapalaran
Ako ang hasaan ng iyong lapis na matalim
Ako ang manonood sa 'yong huling palabas
Ako ang nobelang hindi mo man masaulo
Ako ang noon, ang ngayon, at magpakailanman
Ako ang umiyak nang pasko ay sumapit
Ako ang huli sa pilang walang papupuntahan
Ako ang talo sa larong ang lahat ay nananalo
Ako ang minsan sa gitna ng walang kasiguraduhan
Ako ang sulat na sa Kastila'y isinalin
Ako ang batong bibiyak sa iyong tinitirhan
Ako ang ikinakahiya ng lahat ng tao
Ako ang sandaling ayaw mo nang matandaan
Ako ang sa iyong ayaw mo nang makamit
Ako ang malaking bahagi ng iyong alinlangan
Ako ang basag na salaming nakabaon sa'yong pulso
Ako ang talim na nakaharap sa kanyang larawan
Ako ang dahilang haharap sa magaling
Ako ang kasalanan na gusto mo nang kalimutan
Ako ang ilog na minsan lang kung umagos
Ako ang tama, ang mali, at ang huling isinilang